Mga Paglilinaw 5 Maling Akalang Bumabalot sa mga Isyung Kaugnay ng Kampanya Laban sa Droga
Inihanda ng John J. Carroll Institute on Church and Social Issues (JJCICSI) para sa Philippine-Misereor Partnership, Inc. (PMPI) In cooperation with PASCRES, Pilipina, UPA, and GZOP
MYTH 1 | Puro human rights para sa mga napapatay. Paano naman ang human rights ng mga biktima ng mga adik? Mas mahalaga pa ba ang buhay ng mga pusher at adik kaysa sa mga inosente? Ang human rights ay para lamang sa mga marunong gumalang sa karapatan ng kapwa nila.
Pareho ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng batas ng Pilipinas at mga pandaigdigang batas. Hindi kailangang labagin ang human rights ng isa upang itaguyod ang human rights ng kabila. Dapat igalang, itaguyod, at ipaglaban ang human rights ng pareho. Kapag pinoprotektahan ang human rights ng lahat, lahat ng tao sa lipunan ay magiging ligtas.
Ang Pandaigdigang Pagpapahayag ng mga Karapatang Pantao o Universal Declaration of Human Rights, na binuo noong 1948 ng United Nations kung saan kabilang ang Pilipinas, ay nagtakda ng “pangkalahatang pamantayan ng karapatang pantao para sa lahat ng bansa” upang kilalanin ng mga pamahalaan ang “kanilang obligasyon na siguraduhing lahat ng mga tao, mayaman at mahirap, lalake o babae, at mula sa anumang lahi at relihiyon, ay tatratuhin nang pantay.”[1] Para sa ating mga Pilipino, makikita sa ikatlong artikulo ng ating Saligang Batas ng 1987 ang Katipunan ng mga Karapatan o Bill of Rights.
Kung ang iyong kaanak na maysakit ay tinanggihan ng isang ospital, iyon ay paglabag sa kanyang karapatang kilalanin siya bilang taong may dignidad. Kung ikaw ay sapilitang pinagtatrabaho nang labas sa itinakdang oras at hindi pinapasahod nang tama, iyon ay paglabag sa karapatan mo laban sa sapilitang pagtatrabaho. Kapag ipinipilit sa iyong paniwalaan ang isang bagay kahit alam mong mali at labag sa iyong kalooban, nalalabag ang iyong karapatan sa malayang pag-iisip, konsensya, at pananampalataya. Kapag may pulis na napatay sa isang engkuwentro at walang ginawang aksyon upang papanagutin ang maysala, nilabag ang karapatan ng pulis. Kapag inaakusahan sa publiko ang isang tao nang walang ebidensya at hindi idinadaan sa tamang proseso, nalalabag ang karapatan ng taong nasira na ang pangalan.
Ngunit may nagtatanong: Inisip ba ng mga kriminal ang human rights ng kanilang biktima?
Kapag napatunayang nilabag ng kriminal o ng mga inaakusang kiminal ang karapatan ng kanyang kapwa o ng biktima may sistema ng hustisyang pangkrimen (criminal justice system) upang tiyaking ang mga lumabag sa karapatan ng iba (gaya ng mga magnanakaw at mamamatay-tao) ay mapananagot. Dito na papasok ang kapangyarihan ng estado na limitahan ang ilang karapatan ng mga taong sangkot sa mga gawaing labag sa batas, ngunit ang paglilimitang ito ay dapat na naaayon sa itinatakda ng batas.
Halimbawa, kung ang isang tao ay napatunayang sadyang pumatay, tungkulin ng estadong limitahan ang karapatan niyang maging malaya (right to liberty) upang tiyaking makakakamit ng katarungan ang nagawan niya ng mali (at ang pamilya nito) at upang pangalagaan ang kaligtasan ng publiko. At batay sa kasalukuyan nating mga batas, ang paglimita sa kalayaan ng isang napatunayang kriminal ay sa pamamagitan ng pagbibilanggo sa kanya (ang haba ng panahon ay depende sa pasya ng hukuman), hindi ang patayin siya bago pa man magkaroon ng paglilitis. Gaya ng nakasaad sa Seksyon 1 ng Katipunan ng mga Karapatan, “Hindi dapat alisan ng buhay, kalayaan, o ari-arian ang sinumang tao nang hindi sa kaparaanan ng batas, ni pagkaitan ang sinumang tao ng pantay na pangangalaga ng batas.”
Sa palitan ng opinyon tungkol sa kasalukuyang kampanya laban sa droga, tila ba pinapipili tayo kung kaninong buhay ang mas mahalaga at kanino ang marapat na mawala. Lahat ay may karapatan ayon sa itinakda, ibinigay, at nililimitahan ng batas.
United Nations Information Center Manila, “Kilalanin mo ang UN” (no date); available from http://unicmanila.org/ kilalanin-mo-ang-un/?lang=ph (accessed 12 September 2016).
MYTH 2 | Suportado ng mas maraming Pilipino ang marahas na paraan ng pagsugpo sa problema ng droga.
Sa 1,200 kataong lumahok sasurvey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) noong Setyembre 2016, 54% ang lubos na nasisiyahan (“very satisfied”) habang 30% ang medyo nasisiyahan (“somewhat satisfied”) sa pagsugpo ng administrasyon sa problema ng ipinagbabwal na gamot. Walong porsyento ang hindi nasisiyahan, habang ang natitira ay hindi makapagpasya. Kung ibabawas sa porsyento ng mga lubos at bahagyang nasisiyahan (84%) ang porsyento ng mga hindi nasisiyahan, ang lalabas na “net satisfaction rating” ay +76 o “excellent”. Ngunit 7 sa 10 kinapanayam (71%) ang nagsabing “very important” o napakahalagang ang mga drug suspects ay nahuhuli nang buháy.
Walang Pilipinong nagnanais ng mapayapang lipunan ang sasang-ayong magpatuloy ang paglaganap ng iligal na droga. Lahat, kabilang ang mga kritiko, ay naniniwalang sinisira ng droga ang buhay ng mga lulong dito at gayundin ng kanilang mga pamilya. Wala ring tutol na tapusin ang problemang ito sa lalong madaling panahon.
Social Weather Stations (SWS), “Third Quarter 2016 Social Weather Survey: Net satisfaction with government’s anti-illegal drugs campaign an “Excellent” +76; 71% say it is “very important” that suspects be caught alive” (10 October 2016); available from http://www.sws.org.ph/swsmain/artcldisppage/?artcsyscode=ART-20161007100230 (accessed 18 October 2016).
Ngunit may nagtatanong: Inisip ba ng mga kriminal ang human rights ng kanilang biktima?
Ang pagtutol sa patuloy na pagpatay sa mga taong sangkot sa iligal na droga ay nag-uugat sa pangambang ang mga ito ay “state-inspired killings”, mga pagpatay na may panghihimok—direkta man o hindi—ng pamahalaang dapat na nangunguna sa pagpapairal ng batas(rule of law) at pagtataguyod ng karapatan ng lahat. Sa mga pagkakataong may banta sa buhay ng mga pulis habang nagsasagawa ng operasyon (hal., nanlaban ang taong tinutugis), mayroong sinusunod na protocol sa pagpapaputok ng kanilang armas para sa self-defense. Ngunit ano ang garantiya natin na hindi ito maaabuso ng kinauukuluan? Paano natin malalaman kung talagang nanlaban ang mga tinutugis?
May pagkakataon na ring hinikayat ang taumbayan na ilagay nila sa kanilang kamay ang batas kapag may nakita silang drug addicts. Mapanganib ito dahil ang panghihimok na patayin ang mga adik ay bumubuo ng tinatawag na culture of impunity kung saan ang mga nakapapatay ay hindi napananagot.
Jay Dones, “Kamatayansamga drug addicts nawalanangpag-asangmagbago – Duterte” Philippine Daily Inquirer (27 June 2016); available from http://radyo.inquirer.net/33397/kamatayan-sa-mga-drug-addicts-na-wala-nang-pag-asang-magbago-duterte (accessed 14 September 2016).
MYTH 3 | Hindi maiiwasang dumanak ang dugo sa digmaan kontra droga. It is a ‘necessary evil.’
Sinasalamin ng argumentong “necessary evil” o hindi maiiwasang kasamaan ang teoryang kung tawagin ay utilitarianism. Ito ay ang paniniwalang ang tanging panuntunan ng moralidad ay nakabatay sa kung ano ang pakinabang na naidudulot. Sa madaling salita, “the end justifies the means,” ang sinasabing mabuting kalalabasan ng isang gawain ay katanggap-tanggap kahit mali ang paraan ng pagkamit nito. Halimbawa, ang isang patakaran, bagamat makasasamâ sa iilan, ay makabubuti at mainam kung mas makapagdudulot ito ng mabuti sa nakararami. Ganito marahil ang pananaw ng mga taong hindi panghihinayangan ang buhay kahit ng isang biktima ng extrajudicial killingdahil magbibigay naman daw iyon ng kapanatagan sa kalooban ng mga tao. Kaya nga’t may isang senador na nagsambit sa isang pagdinig tungkol sa extrajudicial killings: “People are beginning to feel safe.” Mas ligtas na raw ang pakiramdam ng mga tao ngayon.(O baka naman takót?)Muli, tunay na datos ang kailangan natin.
yon sa Philippine National Police (PNP), bumaba ng 31% ang bilang ng naitalang kaso ng krimen nitong Hulyo 2016 kumpara sa bilang na naitala noong Hulyo 2015. Kasama sa mga kaso ng krimen na bumaba ay rape, murder, homicide, pagnanakaw, at carnapping. Magandang balita po ito. Subalit, kailangan ng datos upang gawing malinaw ang ugnayan ng paggamit ng droga sa mga nasabing krimen.Sa madaling salita, paano natin masasabing ang mga krimen ay gawa ng isang taong lulong sa droga? Hindi rin kaya dahil sa mas pinaigting na police visibility kung bakit nabawasan, kung totoo man, ang mga kaso ng krimen sa Pilipinas?
Marahil, ang pakiramdam na ligtas ang publiko ang nasa isip din ni National Economic and Development Authority (NEDA) chief Ernesto Pernia nang sabihin niyang “necessary evil” ang madugong digmaan kontra iligal na droga. Para sa kanya, susi rin ang peace and order upang mahikayat ang mga dayuhang mamumuhunan na magnegosyo sa Pilipinas.
Walang tututol sa kahalagahan ng peace and order, ngunit ang pagsasantabi bang pagpapairal ng batas at pagkitil sa buhay ng tao ang natatanging paraan upang maging ligtas ang mga tao at umunlad ang ating bayan?
DharelPlacido, “People now feel safer under Duterte, says Cayetano” (22 August 2016); available from http://news.abs-cbn.com/news/08/22/16/people-now-feel-safer-under-duterte-says-cayetano (accessed 19 September 2016).
Arra Perez, “PNP: July crime rate down by 31 percent” (24 August 2016); available from http://cnnphilippines.com/news/2016/08/23/ph-july-crime-rate-decreases.html (accessed 14 September 2016).
Malakas ang loob ng mga taong gumawa ng krimen dahil sa napakahinang sistemang pangkaturangan sa ating bansa.
Lagi nating naririnig ang reklamong napakabagal ng paggulong ng hustisya dahil kakaunti ang mga prosecutorsna magpapatunay ng pagkakasala o factual guilt. Kung gayon, hindi kaya’t dapat punuan ang mga bakanteng puwestong ito? Napakaliit din daw ng badyet ng hudikatura. Noong 2010, halimbawa, humiling ang hudikatura ng budget na ₱60 bilyon, ngunit kalahati lamang nito ang inaprubahan. Para sa taóng 2017, ang hiniling na budget ng hudikatura ay ₱40.4 bilyon ngunit ₱32.5 bilyon lamang ang inaprubahan. Dahil dito, hindi madagdagan ang mga trial courts at ang mga hukom na didinig ng mga kaso. Bakit hindi kaya hindi ito gawing sapat upang mabilis na matugunan ang mga kasong idinudulog ng mga biktima ng krimen?
Kasabay rin ng mga ito dapat ang pagpapahusay sa kakayahan ng mga imbestigador upang makapangalap ng impormasyon at ebidensya. Kailangan natin ng matatalinong imbestigador upang pigilin ang sinumang gumawa ng krimen o upang pilayin ang supply ng droga sa Pilipinas.Panahon na rin upang palakasin ang mga programang tutulong sa mga biktima ng karumal-dumal na krimen at ang kanilang mga kapamilya, katulad na lamang ng Victims Compensation Program ng Department of Justice (DOJ) kung saan kabilang ang mga biktima ng “violent crime which includes rape and offenses committed with malice which resulted in death or serious physical and/or psychological injuries, permanent incapacity or disability, insanity, abortion, serious trauma, or committed with torture, cruelty or barbarity.”
Sa ganitong mga paraan, napalalakas natin ang mga institusyon ng pamahalaan upang maibigay ang hustisya sa lalong madaling panahon. Hindi lamang nito maiibsan ang pagkadismaya ng marami sa sistema ng gobyerno (dahil sa hindi maayos na paggamit ng ating buwis), matitiyak pa nito na may maayos tayong mga institusyon matapos man ang termino ng isangadministrasyon.
DelonPorcalla, “House backs bigger budget for judiciary” Philippine Star (13 September 2016); available from http://www.philstar.com/headlines/2016/09/13/1623300/house-backs-bigger-budget-judiciary (accessed 15 September 2016)
Para sakaragdagangimpormsyon, bisitahinang website ng DOJ (https://www.doj.gov.ph/victims-compensation-program.html) at basahinang Republic Act 7309, angbatasnanagtakda ng pagbubuo ng programangito.
Ayon din sa mga eksperto sa larangan ng kalusugan, ang pagkalulong sa droga ay isang health condition, kaya’t ang tugon rito ay ang pagtulong sa mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot na lampasan ang kanilang kahinaan.
Sa bansang Portugal, halimbawa, bumuo ang pamahalaan ng isang komisyong binubuo ng mga doktor, abugado, psychologists, at social development workersupang humanap ng epektibong solusyon sa problema nila sa droga. Matapos ang ilang buwang pag-aaral, iminungkahi nilang tingnan ang paggamit ng droga hindi bilang isang krimen kundi kundisyong medikal na nangangailangan ng propesyunal na pagtugon. Ang mga nahuhulihan ng maliit na gramo ng droga ay inihaharap sa isang administrative panel na binubuo ng isang doktor, isang psychologist, at isang abugado, na siyang magpapasya kung ang nahuli ay nangangailangang dumaan sa panggagamot o magbayad ng kaukulang halaga. Kasabay ng pagtugis sa mga nagtutulak ng malalaking halaga ng droga at pagbilanggo sa kanila sakaling mapatunayang guilty ang pagpapahusay ng programa ng pamahalaan para sa rehabilitasyon at pagpapabuti ng kanilang mga ospital.
Kung magiging masigasig ang pamahalaan na gawing mabilis ang imbestigasyon, pagsasampa ng kaso, paglilitis, at pagbababa ng desisyon ng korte (lahat ito ay bahagi ng tinatawag na due process), at kung gagawing sapat ang mga pasilidad ng gobyerno para sa rehabilitasyon, walang “evil” na magiging “necessary”. Ang mabilis na pagpapataw ng katarungan ay pakikinabangan rin ng mga biktima ng lahat ng uri ng krimen, hindi lamang ng mga may kinalaman sa droga. Higit na malawak at pangmatagalan ang ganitong solusyon. Hangga’t walang kakayahan ang ating kapulisan na sugpuin ang kriminalidad nang sang-ayon sa batas at hangga’t usad-pagong ang mga kasong isinasampa laban sa mga kriminal, extrajudicial ang mga paraang gagamitin upang masabing sila ay kumikilos at nagtatrabaho. Habang ang bilang ng napapatay ang sukatan kung gaano kahusay ang pulisiya sa kampanya laban sa droga, nabibigyan pa lalo ng insentibo ang mga pulis na pumatay, habang hindi naman sila napapanagot sa kanilang ginawa. Naiisip ba natin kung gaano kapanganib ito?
O baka naman ang gusto ng marami ay mga paraang “shortcut” at “instant”, kahit na ang mabuting resulta ay panandalian lamang at hindi pangmatagalan? O kaya naman, nasanay na tayo sa mala-teleseryeng pagkamit ng katarungan kung saan poot at paghihiganti, kapalit man nito ang buhay ng tao, ang higit na nananaig?
Mark Provost, “How Portugal Brilliantly Ended its War on Drugs” attn:(24 February 2015); available from http://www.attn.com/stories/995/portugal-drug-policy(accessed 13 September 2016); andLeciaBushak, “Portugal’s Drug Experiment: Tackling Heroin Addiction By Decriminalizing Drugs And Focusing on Health”
Medical Daily (21 August 2016); available fromhttp://www.medicaldaily.com/portugal-drug-experiment-heroin-decriminalizing-drugs-382598 (accessed 13 September 2016).
MYTH 4 | Kakaunti lamang ang namamatay kumpara sa dami ng mga biktima ng iligal na droga. Kung may mga inosenteng nadadamay naman, sila ay mga ‘collateral damage’ lamang.
Sinasabing ang mahigit 1,000 (at nadadagdagan pa) katao na ang naitatalang namamatay kaugnay ng kampanya ng pamahalaan laban sa droga ay kakaunti lamang kumpara sa bilang ng mga taong nasisira ang buhay dahil sa ipinagbabawal na gamot. Subalit karapat-dapat bang dumanas ng pagdurusa ang mga magulang, asawa, o anak ng mga napapatay? Walang bilang na makapagbibigay-katwiran sa pagpatay, sa paglalagay ng batas sa kamay ng pulis o ng mga vigilante, lalo na kung may ibang paraan naman upang tugunan ang isang problema nang walang buhay na kinikitil.
At lalong nakapanghihinayang kapag may mga inosenteng taong nadadamay, bagamat ang turing sa kanila ng ilan ay “collateral damage.”Tinutukoy ng katagang “collateral damage” ang mga tao o bagay na natatamaan kahit hindi sinasadya sa isang digmaan. Subalit ang konseptong ito ay angkop lamang kung talagang wala nang ibang paraan upang mapangalagaan ang kaligtasan ng nakararami. Ang paulit-ulit na tanong ay: wala na ba talagang ibang paraan?
Subukan nating ilagay ang ating sarili sa lugar ng mga magulang ni Danica May Garcia, ang 5 taóng gulang na batang tinamaan ng ligaw na bala habang tinutugis ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang kanyang lolong nasa watch list ng pulisya. O kaya naman ay sa lugar ng mga magulang ni Jefferson Bunuan, 20 taóng gulang at criminology student, na nakitulog lamang sa bahay ng kapitbahay na sinilo ng mga pulis sa isang buy-bust operation. Matatanggap kaya natin na buhay ng ating mga anak ang maging “collateral damage” sa isang digmaang maaari namang hindi idaan sa dahas?
Ang ganitong estilo ng pagsugpo sa problema sa droga ay ginawa na ng ating mga kapitbahay sa Timog Silangang Asya. Sa ilalim ng pamumuno ni Thaksin Shinawatra noong 2003, ang Thailand ay nakapagtala ng 2,800 extrajudicial killings sa loob lamang ng tatlong buwan. Makalipas ang apat na taon, napag-alamang mahigit kalahati sa mga biktima ay walang kinalaman sa droga, kasama ang isang 9 na taóng gulang na batang nabaril habang tinutugis ng mga pulis ang kanyang nanay. Huwag sana tayong humantong sa ganitong sitwasyon.
Para saupdated nalistahan ng mganapapatay, bisitahinang website ng Philippine Daily Inquirer (http://newsinfo.inquirer.net/794598/kill-list-drugs-duterte).
Ang Children’s Legal Advocacy Network (CLAN) ay isangcoalition ng iba’tibang NGO nanagsasagawa ng pagmo-monitor samgapaglabagsamgakarapatan ng mgabata. Sila ay may isinasagawangpagtatala ng mgainosentengbatangnadadamaysamgaoperasyon ng pulis o pagpatay ng mga vigilante.
The Guardian, “The Guardian view on the Philippine war on drugs: street justice is no justice” (23 August 2016); available from https://www.theguardian.com/commentisfree/2016/aug/23/the-guardian-view-on-the-philippine-war-on-drugs-street-justice-is-no-justice (accessed 12 September 2016).
MYTH 5 | Ang mga lulong sa droga at nagtutulak nito ay hindi mga tao kaya’t mabuting mawala na sila sa lipunan!
Oo, karumal-dumal ang mga krimeng maaaring gawin ng mga taong lulong sa droga, ngunit hindi ito dahilan upang buhay nila ang gawing kabayaran. Hindi maitutuwid ng isa pang mali ang isang pagkakamali. Isinasara rin ng ganitong pagtingin ang pagkakataong alamin ang katotohanan: paano malalaman kung guilty ang isang napatay kung siya ay habambuhay nang walang pagkakataong maimbestigahan? Maibabalik ba ang buhay ng mga taong napagkamalan o pinaghihinalaan lang ngunit napatay?
Muli, walang pinipili ang karapatang pantao at may prosesong dapat sundin (at kailangang ayusin), ngunit ang sabihing may mga taong hindi dapat ituring na tao ay maituturing na pagsuporta sa karasahan.
Ano ang sinasabi nito tungkol sa atin bilang isang tao? Bilang isang bayan?
Kahit pa man maubos ang lahat ng mga gumagamit at nagtutulak ng droga, mananatiling panaginip lamang ang isang “drug-free” na Pilipinas kung hindi matutugunan ang mga ugat nito: ang matinding kahirapang nagtutulak sa marami na magbenta ng droga (gaya ng shabu), ang pamamayagpag ng mga drug cartel at sindikatong hindi mahabol-habol ng mga kinauukulan (dahil na rin sa kakulangan ng kakayahan at/o katiwalian ng mga taong dapat tumututok dito), ang mahinang edukasyon tungkol sa masasamang dulot ng droga na makapagpapababa ng demand sa droga, at ang kakulangan ng mga eksperto at pangkalusugang pasilidad na tutulong sa mga taong lulóng sa droga.