#HerStory — Babaeng naninindigan sa Pangangalaga ng Kalikasan: Beth Manggol

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on linkedin
LinkedIn

#HerStory — Babaeng naninindigan sa Pangangalaga ng Kalikasan: Beth Manggol

“Ang pagiging environmentalist ay isang passion. Kung wala kang passion, hindi ka tatagal dito.”

Sa kabila ng matinding pinsalang naidulot ng pagmimina sa Marinduque, patuloy na lumalaban ang mga Marinduqueño upang ipagtanggol ang kalikasan. Isa sa mga nangunguna sa laban na ito ay si Elizabeth “Beth” Manggol, isang babaeng may matibay na paninindigan sa pangangalaga ng kalikasan.

Isang Di-inaasahang Paglalakbay Tungo sa Adbokasiya

Ipinanganak sa Mauban, Quezon, si Beth ay nagtapos ng AB Economics sa Enverga University noong 1990. Isang simpleng bakasyon sa Marinduque ang nagdala sa kanya sa isang bagong landas—dito siya nakahanap ng trabaho bilang Community Organizer sa Social Action Commission ng Diocese of Boac.

Ngunit noong Marso 24, 1996, isang trahedya ang naganap. Sumabog ang drainage tunnel ng Marcopper Mining Corporation (MMC), na nagpakawala ng tone-toneladang nakalalasong mine tailings sa Ilog Boac. Ang dating saganang ilog ay naging patay na anyong tubig at doon na rin nagsimula ang panghabambuhay na laban ni Beth para sa kalikasan.

“Yun ang nagbigay sa akin ng lakas para ipagpatuloy ang adbokasiya. Paano na lang ang mga komunidad na naapektuhan? Paano ang MACEC? Wala ring ibang Environmental NGO na tutok sa ganitong isyu.”

Pagbuo ng Organisasyon Laban sa mga sumisira ng Kalikasan

Bunga ng trahedyang iyon, itinatag ang Marinduque Council for Environmental Concerns (MACEC). Mula sa 127 pioneers, lumawak ito at nagkaroon ng mga sangay sa mga bayan na labis na naapektuhan ng pagmimina, gaya ng Boac, Mogbog at Sta. Cruz at maging sa Gasan, Buenavista at Torrijos na hindi direktang apektado.

Bilang Program Coordinator at kalaunan ay Executive Secretary at Secretariat Head, pinangunahan ni Beth at ng MACEC ang laban upang panagutin ang Marcopper at ang Placer Dome na kasosyo nito sa halos tatlong dekadang pinsalang dulot ng pagmimina sa isla. Sa kanilang walang sawang pagsisikap, hindi na nakabalik ang kompanya upang ipagpatuloy ang pagmimina sa Marinduque.

Bio Remediation with the University of the Philippines Los Banos at Barangay Ino, Mogpog, Marinduque. Photo by Algimar Guitang/ MACEC Youth

Isang Malawakang Kilusan: 10,000 Katao at Patuloy Pang Lumalawak

Sa tulong ni Beth na isa sa mga namumuno, lumakas ang MACEC na ngayon ay may mahigit 10,000 miyembro, dagdag pa dito ang mahigit 1,000 kabataang inorganisa bilang MACEC Youth. Dahil sa kanilang matibay na adbokasiya, naipasa ang 50-taong Mining Moratorium sa Marinduque, kung saan suportado ito ng anim na bayan at 160 barangay na pormal nang tumututol sa pagmimina.

“Gusto namin na 100% ng barangay ay may resolusyong No-To-Mining. Para kapag nagpilit bumalik ang mining companies, unang tututol ang komunidad.”

Nakikipagtulungan ang MACEC sa LGUs, akademya, local at international NGOs, at simbahan upang palakasin ang proteksyon ng kalikasan. Isa sa kanilang malaking tagumpay ay ang pagpasa ng Marinduque Environmental Code, kung saan isinama ang Rights of Nature framework—isang paniniwalang may karapatan din ang kalikasan. Ayon kay Beth, malaki ang naitulong ng PMPI dito dahil sa pagtulong sa pagbuo ng environmental code. Susunod nilang isusulong ay ang pagbuo ng Implementing Rules and Regulations (IRR) nito upang maayos na maipatupad ang ordinansa. Kasabay ding isinusulong ang mga kaso laban sa Marcopper/Placer Dome at ngayon ay Barrick Gold at ilan dito ay ang Writ of Kalikasan case para sa rehabilitation ng mga nasirang kalikasan at Civil Case sa Mogpog para naman sa damage compensation ng mga naapektuhan. Ilan lamang ito sa mga programa at proyekto na isa si Beth sa nangunguna.

27th founding anniversary & leaders' assembly with the theme: "Ika-27 Taong Paglalakbay ng Marinduque Council for Environmental Concerns (MACEC) Tungo sa Pagpapatatag ng mga Batayang Pamayanang Kristiyanong Makakalikasan (BPKM) sa Diwa ng Espiritualidad ng Mabuting Katiwala" Photo by Algimar Guitang/ MACEC Youth

Kababaihan sa Unang Hanay ng Pakikibaka

Bilang isang babae at ina, hindi naging madali para kay Beth ang kanyang landas bilang isang environmental advocate.

Madalas niyang naiiwanan noon ang kanyang mga anak sa loob ng maraming linggo o buwan upang dumalo sa mga pagsasanay at pagpupulong. Dagdag pa rito ang maliit na pasahod sa sektor na kanyang pinili.

“Sinabi pa ng anak ko, ‘Nanay, kung nag-abroad ka na lang, hindi sana tayo naga-utang.’ Pero kahit mahirap, masaya sa pakiramdam lalo na kapag may natutugunan kang usapin [o isyu].”

Alam ni Beth na isa ang kababaihan sa unang nakararanas ng epekto ng pagkasira ng kalikasan, kaya’t hinihikayat niya at ng MACEC ang mas maraming kababaihan sa Marinduque na lumahok, magsanay, maging lider at volunteer sa pangangalaga ng kapaligiran.

“Yung mga wala pang kasanayan, hindi pa marunong magsalita, magsay ng ‘No’, natuturuan at natututo na sila magbukas ng sarili, na magsalita kapag ayaw nila, ito ay isang malaking bagay na makadevelop ng isang lider na makakalikasan.”

Isang Pamana para sa Hinaharap

Sa patuloy na pagkasira ng kapaligiran at lumalala na krisis sa klima, hangad ni Beth na mas maraming kababaihan pa ang sumama para protektahan ang kalikasan.

“Mas kailangan talaga kumilos ngayon ang mga kababaihan… para mapreserve pa natin kung ano ang meron tayo ngayon para sa susunod na henerasyon meron pa tayong maibibigay o legacy na maiiwan.”

Isa lamang si Beth Manggol sa maraming kababaihan ng PMPI na patuloy na lumalaban para sa hustisyang pangkalikasan. Lumalaban sa mina. Lumalaban para sa karapatan ng Kalikasan. Malayo pa, ngunit hindi kailanman matitinag ang paninindigan.

Beth posing in front of the banner of Hiraya, a Rights of Nature Youth Camp established back in 2022. Photo by Algimar Guitang/ MACEC Youth
Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on linkedin
LinkedIn